Gagraduate na kami ng Grade 6 sa Abril. Nagyaya magbakasyon ang mga kaklase ko sa Baguio.Libre daw lahat.May resthouse sila dun at may van.Tanging dadalhin ay sarili at extrang saplot.Dala ang travel bag at nangingitim na eye bags, maaga naming binagtas ang pasikot sikot na daan tungo sa malamig na siyudad ng strawberries, kulangot, walis, igorot at ukay ukay.Hindi ko nalang ikukwento ang iba pa naming aktibidades kundi isa lamang sa mga unforgettable experiences.Sa ikalawang araw ng aming pagbabakasyon, nagpunta kami sa isang templo na kulay pula ang bubong at maraming hagdan, walang elevator.Sabi nila, magpapahula daw kami.At kahit ayokong sabihan ako ng manghuhula na lampa akong ipinanganak at lampa parin akong lalaki at madadapa ako 80% ng buhay ko, pero dahil Grade 6 lang ako, pumayag ako.Peer pressure.At libre.Nauna ang limang kasama ko.Isa isa silang hinulaan, isa isa ding nagkunot ng noo, nangamot ng ulo at umiling.Hindi ata magandang sinasabihan ang isang Grade 6 na tatanda siyang con man, hitman o superman.Ako na susunod at huli.Tinaasan ako ng kilay nung paring nakapulang gown at may mga tuldok sa noong kapos at makinis.May hawak siyang 2 piraso ng maliliit na kahoy hugis rectangular prism (oo, rectangular prism).Akala ko maglalaro kami ng syato pero ginawa niyang dice ang 2 piraso ng kahoy, hinagis sa mesa, tatlong beses.Binaba ang kilay, ngumiti.Tumungo siya sa isang hilera ng animo'y card catalogue.Binuksan ang isa sa mga maliliit na drawer, kumuha ng kapiraso ng papel at inabot sakin.Sabi sa papel, isa daw akong maswerteng bata kung susumahin ang buhay ko.3 highlights:yayaman ka, magkakaanak ka sa murang edad, hindi ka magaasawa.Maswerte nga.Paki-define uli ang swerte?Gusto ko sanang hanapin ang taong sumulat ng mga bagay bagay na yun.Magwala't itanong ang logic ng kanyang mga pinagsasabi.I-question ang kanyang kakayahan at karapatan magbigay ng ganung klaseng premonition sa isang Grade 6.Gusto ko sanang makita ang mga diploma niya't kung galing ba siya sa isang reputable university ng panghuhula.Pero Grade 6 lang ako.Matapos ang lahat, isa isa kaming binigyan ng insenso upang manalangin.Ginawa namin to kahit na Grade 6 lang kami.
Labing apat na taon na nang gumraduate ako ng Grade 6.Nagkaanak ako.Hindi ako nagasawa.Hinihintay ko nalang biglang magmitosis ang pera ko sa bangko.Kapag nangyari yun, babalikan ko ang pari sa Baguio.Hindi ko siya tataasan ng kilay.Hindi rin ako magpupulang gown.Pero sana hindi pako kalbo sa mga panahong yun.Kakamayan ko lang siya.Gagawa ako ng testimonial: Ayus!Ang galing!Astig!Hindi nako Grade 6.Pero gusto kong bumalik ng Grade 6, magpahula uli.